Isang linggo na akong naghahanap ng makasama upang maibsan itong kalungkutang aking nadarama. Sa bawat umagang dumarating ngayong linggong ito ay napakabigat sa akin, tila naging bakal at bato ang aking mga kalamnan sa aking paggising. Bagamat ang simula ng linggong ito ay maayos para sa iba, sapagkat nanalo ang aking ina sa EZ2 lotto, maliit man ang nakuha, maganda na rin sigurong simula ng linggo ito. Ngunit nagkamali ako, hindi man pangit ang mga pangyayari, nakakalungkot lang para sa bahagi ko. Lahat ng paanyaya ko sa aking mga kaibigan at mga dating kasamahan ay tila nabalewala. Kung hindi man ito tatanggihan, hindi rin sila maaaring makasama dahil sa sandamakmak na gawain ang meron sila. Nauunawaan ko naman ang mga ganung bagay, ngunit sadyang ang mundo ko ngayong mga panahong ito ay nababalot ng kalungkutan. Nais kong manood sa sinehan ngunit wala akong mga kaibigang makasama o nais sumama. Bagamat kaya kong manood mag-isa, hindi lang sa mga panahong ito. Tila ako'y mahihibang sa aking pag-iisa. Tanging ninanais ko lamang ay ang pakikisama ng iba upang kahit papaano'y malaman kong di ako nag-iisa... ngunit sa aking kabiguan ay, nabatid kong mag-isa na nga lang ako.
Sa kabila pa ng aking paglulumbay, nadama ko pa ang pagbalewala sa akin ng isa sa aking mga kaibigan. Inakala niya na biro pa ang lahat ngunit di niya batid ay lubos na sakit ang kanyang mga binitawang mga salita. Sa maliit na bagay lang nagsimula ang lahat, ngunit talagang di ko kinaya ang mga nasabi niya. Nagngitngit na ang aking mga ngipin at pumutok na lahat ng ugat sa aking katawan sa galit na nadama ko. Kaya kong tiisin ang mga bagay na iyon kung hindi lang ako sensitibo sa mga ganitong panahon. Di man lang niya inunawa ang aking mga dinaramdam sapagkat di na rin maayos ang kondisyon ng isip at katawan ko ng mga oras na iyon. Maliit na di pagkakaunawaan lamang ito, di ko na nais pang palawakin. Nais ko lang maipabatid na tao lamang din ako na napupuno at nawawalan ng pasensya. May panahon na masaya at may panahon ding nalulumbay. Hindi lahat ng gising ko sa umaga ay masasaya at may mga ibong umaawit sa aking mga bintana. Dumadaan din ako sa mga panahong may bagyo sa aking isipan. At sa mga ganitong araw ng aking buhay, di ko nais ang mga patawa o birong nakakasakit, mas nais ko lamang ang pag-unawa at ang pakikisama.
Friday, August 18, 2006
Panahong Malumbay
Posted by Billycoy at 8/18/2006 01:24:00 PM
Labels: Tao Lang
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment