Showing posts with label Oh Pag-ibig. Show all posts
Showing posts with label Oh Pag-ibig. Show all posts

Wednesday, September 26, 2007

Lured by a Beauty

Galing ang pic sa multiply page ni KC tapos dinagdagan ko na lang ng ibang kalandian. Feeling highschool lang.

"Masaya na akong tinutunghayan ang isang bituin sa langit dahil kapag ako'y lumapit mapapaso lang ako."
- Billycoy


Nitong Linggo ng gabi, napababad na naman ang mga mata ko sa TV. Halos masunog na nga ang mga eyes ko dahil hindi na yata ako pumipikit habang nanonood. Hindi ko na nga rin mapigilan ang laway ko sa patuloy na pagtulo habang nakatunganga sa harap ng telebisyon. Lumulutang na nga rin ako at di ko namamalayang hinahatak na ako papalapit sa TV. Paanong hindi ako mahahalina ng TV that night, docu kaya ng last days sa Paris ng aking supercrush to the ultimate level na si alluring luscious classy hearthrob na si KC Concepcion.

Hindi ko mapigilan ang hindi mapatutok sa TV talaga. Tuwing matatapos ang mga TV ad at babalik na sa programa ako'y mahu-hook muli sa TV, mapapabuntung-hininga, kumislap-kislap ang aking mga mata, mapapangiti na aabot sa bunbunan, magliliparan ang mga paru-paro, langaw, lamok at kuto at tutubo ang mga bulaklak ng calachuchi sa paligid. Ganun pala ang feeling ng in love, nagkakaroon ng maraming special effects.

Sa sobrang ganda kasi ng anak ng Megastar, hindi ko na mapigilang mahibang. Gusto kong maulul sa kinauupuan, umalulong na parang coyote at mangagat ng mga jologs para magkaroon na sila ng rabies. Ano ba kasi ang meron sa ganda niya at kay dami na tuloy ang mga lalaking nagkandarapa at nababaliw sa kanya? Dumadami na tuloy ang aking karibal at mas lalong bumababa tuloy ang aking probability rate na magkatuluyan kami.

Ngayon, nabigyan ko na rin ng linaw kung bakit hindi pa ako nagkaka-girlfriend until now. Si KC lang pala talaga ang napupusuan ko. Nabihag na ng kanyang kagandahan ang aking damdamin. Siguro we are destined to be together kaya wala pang ibang ipinagkakaloob sa akin. Siya lang pala ang babaeng hinihintay ko habang buhay. Bakit hindi ko alam yun?

Sayang nga lang dahil balita ko sila na raw ni Direk Lino Cayetano. Bigo ako. Ok lang yun, willing naman akong maghintay para kay KC. Kung hindi man ngayon, siguro in the future. Pero open din naman ako sa option na kahit maging kabit na lang ako.

Kung dumating man ang panahon na meron na akong ibiging iba, huwag mo na akong hintayin KC.

Monday, July 02, 2007

I'm not a virgin anymore... NOT!

Buong blogosphere—kung di man sambayanan—na yata ang nakaantabay ng balita tungkol sa aking virginity. Mas excited pa ang iba kaysa sa akin ang magkaroon na ako ng girlfriend. Talagang hinihintay rin kung ano magiging reaksyon ko sa pagka-abang-abang kong first time.

Ano bang meron at talagang inaabangan ng marami na ako’y magka-girlfriend at ma-devirginize? Kung sabagay, 24 na nga pala ako, gunggong talaga ako. Pero higit pa dun, ano reaksyon at pwedeng mangyari kapag nagka-juwawhoopers at nakatikim na ng first time?

a) Ide-declare na holiday ng Malacañang ang unang araw ng aking first time.
b) Hindi na ako i-i-stalk ni Elizabeth Hurley.
c) Pag-aagawan ang aking istorya ng Magpakailanman at Maalaala Mo Kaya.
d) Mafi-feature ang aking success story sa Fortune, Forbes, Time at Chika-chika Magazines.
e) Aantabayanan at hahanapin sa internet ang aking sex scandal.
f) Hahantingin ng mga girls, bakla at matrona ang aking girlfriend or ang unang nakatikim sa akin para kanilang poksaen at ipapapak sa ipis.
g) Papatayin ng mga kaibigan at mga readers ko si Jimboy—ni Mahal—para sa akin.
h) Maraming babae ang mag-e-emo at magtatangkang magpakamatay dahil nabigo silang matikman ako.
i) Mapupuna ng marami na ako ay blooming, my pores will become smaller and ang mga lines… parang nawala.
j) Mabibigo ang mga nagpustahan na di na ako made-devirginize or magkaka-juwawhoopers.
k) Reregaluhan ako ng trip to Amanpulo for three nights.
l) Sisigaw ang mga tao ng “Yey!”
m) Ipagdidiwang ito ng lahat at magkakaroon pa ng 1 hour fireworks display sa likod ng SM Mall of Asia.
n) Magpapanic ang marami dahil isa na itong signos ng End of the World.
o) Of course naman, di na ako virgin.
Talaga namang hinihintay na ng lahat ang malaking pangyayaring ito sa aking buhay. Anyway, di ko naman minamadali yan, darating din ng kusa saka di ko pa naman totally hinahanap. Excited lang talaga ang mga tao sa paligid ko na mangyari sa akin yun. Hintayin niyo na lang yun... in ten years of time.

Kung sakali mang maganap—or naganap na yun, hindi ko rin naman ipagkakalat yun… or maybe?

Surprise! Surprise! Na lang.

------------------------------------------

Official ko na palang binabago ang ibig sabihin ng USB simula sa araw na mabasa niyo ito. Simula ngayon ang magiging ibig sabihin na ng USB ay Untouched Since Birth, para isang term na lang ang lumang USB (Unloved Since Birth) at VSB (Virgin Since Birth).

Friday, June 01, 2007

Sizzling Hots

Request ang post na ito ni Mica. Suggested niya local lang, since Taurean at stubborn ako, why go local if I can go international. Kaya may ilang foreign akong napili dito.

Mukhang nagsisimula na ang tag-ulan, malapit na rin ang pasukan. Bagamat pumapatak na ang ulan sa mga bubungan ng mga bahay, bumabaha na sa ilang lugar ng kamaynilaan at bumabara na rin ang sandamukal na basura sa mga kanal ay pumapatak pa rin ang mga pawis sa ating mga maasim na kili-kili sa init. Heto na at ipapakilala ko na sa inyo ang magpapainit sa inyong mga katawan at magpapainit ng inyong mga ulo, ang aking Top 10 Sizzling Hot Dream Girlfriends!

Nicole Hernandez
Sikat na commercial model sa ating bansa nakilala bilang Karla Grasa. Mala-anghel ang mukha kaya naman uber crush ko rin siya. Dream date ko with her ay sa isang mamahaling restaurant sa isang five-star hotel. Siyempre, siya ang sagot dun kasi mayaman naman sila.

Rhian Ramos
Una kong nakita sa McDo commercial at talaga namang nabighani ako sa kanya. Nalaman ko pang may koleksyon siya ng mga furry handcuffs kaya naman mas lalo akong na-curious sa kanya. Ang dream date ko sa kanya ay sa isang McDo branch. Ito ay dahil makakalibre kami dun since model siya ng McDo, tapos papapakin niya ang McJelly trio na binuhos all over my body.



Naima Mora
Nanalo siya sa America's Next Top Model cycle 4. Uber crush kong ramp model. Kaya naman ang dream date ko sa kanya ay kahit saan, basta ang katawan ko ang gagawin niyang catwalk. Masaya akong apak-apakan ng kanyang matutulis na stilleto.


KC Concepcion
Anak ng ating megastar na si Sharon Cuneta. Halos lahat naman yata ng kalalakihan crush siya, kaya syempre, sabay na rin ako sa bandwagon. Dream girlfriend ko talaga siya lalo na nu'ng nagbloom na siya sa pagdadalaga. Dream date? Sa France or Italy, ipagsha-shopping niya ako ng mga kilalang designer clothes. Ganun lang, wholesome dapat, ganun ako kapag love ko ang tao.

Bianca King
Isa na rin sa may magagandang mukha sa mga young star sa local showbiz. Nakilala bilang Aviona sa Mulawin. Kaya naman gusto ko siyang maka-date sa studio at naka-harness kami sa ere... wearing only that harness!






Toni Gonzaga
Crush ko na since nung Eat Bulaga days niya pa. Multi-talented, witty and snappy pa. Natutuwa kasi ako sa mga extroverted females. Kaya naman ang date namin sa bahay ni kuya, dun sa ilalim ng kama, at magkukuwentuhan at magdadaldalan forever.


Maria Ozawa
Tera Patrick is yesterday, Maria Ozawa is today. Gets niyo? Sikat na pornstar si Maria Ozawa these days na may maganda at maamong mukha. Dream date? Hindi ko na lang idedetalye, hahayaan ko na lang kayo mag-isip.


Asia Agcaoilli
I also like woman who are sexually-oriented. Kaya naman kasama siya sa list, though alam kong lalamunin lang niya ako in terms of sexual knowledge. Ang date namin sa isang classroom na kami lang tao, tapos nakapusod ang buhok niya and wearing an eyeglass... only that eyeglass!

Elisha Cuthbert
Lumabas sa movie na Girl Next Door. At talaga namang sexy at nakakatakam. Ang date sa isang bar, tapos lalasingin at lalagyan niya ng drugs ang aking iniinom, pagkagising ko nasa damuhan na lang ako at laspag na. Ni-rape niya ako!

Ms. Piggy
Ang Marilyn Munroe sa mga muppets. Cute and bubbly kaya crush ko rin. Date namin ay sa tapat ng bonfire, tapos tutuhugin ko siya ng kawayan at papasakan ng mansanas sa bibig saka lulutuin sa bonfire. Yumm! Lechon Baboy. Kaso naalala ko di nga pala ako nakain ng tela!


Ngayon alam niyo na ang aking Top 10 Sizzling Hots. Parang hindi nga lang dream date yata ang mga nasabi ko. Sa pagkadami-dami ng mga girls nahirapan din akong mag-isip. Sana lang makadate ko ang isa sa kanila... or sabay-sabay na lang sila!

Friday, May 11, 2007

Why It Happened?

Ilang beses ko na rin bang nababanggit sa blog ko na VSB at USB ako. Kahit na ilang beses ko naman yatang inulit-ulit ang mga bagay na yun marami namang hindi naniniwala. Virginity na nga lang ang natitira sa aking pagkatao ipinagkakait pa. Since, hindi naman ako namimilit, hindi ko na ipipilit mamilipit sa sipit ang kilikiling inipit ang pipit — ano daw? In other words, I won't force anyone to believe me.

Kaya naman marami ding hindi naniniwala dahil hindi pa nila alam ang tunay na dahilan ng pagiging VSB at USB ko. Marami pa ring naku-curious sa aking pathetic na kalagayan. Kaya naman bibigyang linaw ko na ang inyong mga malabong mata at ibunyag na naman ang aking mga kahihiyan. Mababawasan at mabababoy na naman ang aking image at reputasyon — kung meron pang natitira — sa gagawin kong ito. Ipagbibigay alam ko na ang mga dahilan ng aking pagiging VSB at USB kung sakali mang may naniniwala pa.

  1. Suplado daw ako. Isang malaking misconception, dahil hindi naman pwedeng ngumiti at tumawa ng mag-isa baka ibalik na naman ako sa Makati Med Asylum. Alanganin namang ngumiti ako sa mga di ko rin kakilala masyado dahil hindi naman ako artista though artistahin talaga ako.
  2. Pabling o bolero daw ako. Isa na namang misconception. I'm blessed with uber-majestic mouthwatering oozing great looking face and undeniably titillating luscious sex appeal. Hindi ko naman kasalanan yun, blame it on the genes. Pero sa mga nagsasabi nito, grateful at extremely flattered ako dahil katunayan lamang yan ng mga sinasabi ko ngayon. Thanks sa mga ganitong reactions.
  3. Uhugin ako. Kung nag-uumapaw ang aking kagwapuhan, umaapaw din naman ang aking supply ng sipon sa ilong. All-year round yata akong sinisipon. Pagkatanda-tanda ko na uhugin pa rin, nakakahiya naman talaga yun. Advantage lang meron kaming pandikit at glue kapag nasa green level na ang aking sipon o kaya pang-sabaw sa kanin kapag palaging prito ang aming ulam.
  4. Banal at disente daw akong tao. Nang dahil nga sa first impressions, napagkakamalan akong good boy dahil na rin siguro sa mga pagkilos at postura ko. Hindi lang nila alam kung paano sila nauuto ng kanilang mga first impressions sa akin. Hindi po ako santo at wag kayong papaloko sa good boy image ko. Alam ko naman kasing tao ang gustong makapartner ng mga babae hindi santo o diyos.
  5. Intimidated sila sa akin. Magsama-sama ba naman ang kagwapuhan, sex appeal, postura, kahalayan at kung anu-ano pa sa akin, malamang na mahiya sila akong makasama. Huwag silang mag-alala, hindi naman ako nangangain ng tao, nanglalapa lang. Kahit di naman ako tao, very approachable at accomodating po akong nilalang, lalo na dun sa mga manlilibre sa akin.
  6. Mataas ang aking standards. Lagi ko kasing hinahanap yung ideal girl ko sa isang babae kaya talagang hirap akong makakuha ng juwawhooper/s. Though hindi naman lahat ng requirements ko sa aking ideal girl ay kailangan, nahihirapan lang talaga akong mangilatis sa mga nagiging prospect ko. Kaya nga hangga't maaari, sila na lang mag-apply sa akin.
  7. At ang higit sa lahat... Torpe ako.
Siguro naman malinaw na kung bakit VSB at USB pa rin ako hanggang ngayon. Kung hindi pa rin reliable at questionable pa rin ang mga yan, wala na akong magagawa. Hindi naman kailangang ako'y paniwalaan, kasi kahit ako di na rin naniniwala sa sarili ko. Duda na nga rin ako kung virgin pa nga ba talaga ako.

Ang hirap talagang maging gwapo, maraming di naniniwala.

Ano? Nilipad ba kayo ng utut... este hangin ko o nalunod na ng uhog ko?

Monday, April 23, 2007

It's You I Crave

Nitong ilang araw kong pag-iisa, napagtanto ko na kailangan ko na talaga ng katuwang at kasama sa buhay. Hindi pa naman asawa kasi napakabata ko pa para doon, saka paano na lang na yung mga babae, halimaw at bumbay na naghahabol sa akin. Kailangang mapagbigyan sila, pwera lang yung bumbay at halimaw.

Ilang beses ko na rin nababanggit dito na naghahanap ako ng magiging juwawhoopers, kaso hindi ko pa naman pala nababanggit ang tipo ko ng girl. Yung dati kasi para sa virginity ko lang, yung female rapist, this time yung mamahalin ko na talaga. Ano nga ba ang standards ko para dun sa aking Sizzling Hot Beauty Queen Sadist girlfriend? Though, yung hinahanap ko namang standards ng isang babaeng aking mamahalin ay napaka-ideal at kung nag-eexist man siya, diyosa na yata yun. Sino ba ang hindi magkakagusto sa isang diyosa? Baka nga pati mga babae maging tibo kapag nakakita ng diyosa. Ano nga ba ang aking standards para sa aking ideal girl?

Obviously babaeng tao ang hanap ko
Age range from 18 to 25 years old (di pwedeng younger than 18 or minor baka kasi mapagkamalan pa akong pedophile, kaya kung meron mang nagkakagusto sa akin dyan na minor, reto ko na lang kayo sa magiging anak ko)
Single dapat kung taken naman dapat gawing querido niyo na lang ang current juwawhoopers niyo.
5'6" above ang height. Sige, 5'4" na nga lang para marami-rami ang qualified, di na ako payag below dun kasi baka mag-apply na sina Mahal at PGMA sa akin.
Dapat pasado sa mataas kong aesthetic taste.
Maliit ang beywang, gusto girls na may maliit na waistline, pero kung napuputol at humihiwalay kapag gabi, pwede na rin.
Hindi buto't balat lumilipad, di kasi ako marunong kumain ng bulalo.
Hindi rin mataba, mataas ang trans fat nun, unhealthy baka magkahighblood ako at tumaas cholesterol ko.
Yung tamang taba at laman lang, juicy ang hanap ko. Konting sundot lang kakatas na ang juice niya, hindi yung dry.
Medium rare para malambot-lambot pa, pag rare kasi lasang hilaw at medyo malansa pa, kung Well Done naman, masyado naman na yatang bihasa yun.
Masarap kapag mainit, lalo na kung sizzling.
Masarap din kapag may katernong mga side dishes.
Perfect din sa red wine.

Iyan ang requirements ko sa ideal girl ko. Malasang-malasa at masarap na masarap talaga. Nakapanglalaway at nakakapang-init talaga. Pero teka, girlfriend ba talaga hanap ko o pagkain? Nagugutom lang yata ako.

Friday, February 16, 2007

The Single Sings Rejoice

I'm happy being sought for single, oozing virgin and not committed... even once.

Taliwas yan sa madalas kong i-post sa blog ko, pero talagang masaya naman ako sa buhay ko. Kahit di pa ako nakakaranas magmahal, ng unang halik o ng popoy, happy naman talaga ako. Hindi naman kasi ako nagmamadali magkaroon ng loved one. I'm still enjoying my twenties. Pero siyempre, ganun lang talaga, may pagkakataon na naglalaway at nagke-crave din ako ng pagmamahal. Mga panahon na makikita mo ang mga magjuwawhoopers na naghaharutan, naglalandian, nagyayakapan, naghahalikan, naglalaplapan, naglalamutakan, naglalapaan, naghuhubaran, nagtatanggalan ng undies, naghahalikan ulit at... teka porn na yata yun.

Like any single out there, hindi talaga na maiwasan na mainggit nga sa mga magsing-irog. Naku lalo na sa akin na very ignorant about love, dahil nga hindi pa nga ako nagkaka-girlfriend not even once. Nais ko rin kasing maramdaman kung ano nga ba ang pag-ibig. Gusto kong alamin yung pakiramdam na merong yumayakap at humahalik sa akin. Yung palaging may nag-iisip sa kalagayan ko kapag hindi kami magkasama. Gusto ko rin damhin yung mga panahon na naghaharutan at nagkukulitan sa tuwing nagkikita o sa telepono man. Kahit din yung mga pag-aaway dahil lang sa maliit na bagay. Mga pagkakataon ding nag-aalab at nag-iinit ang damdamin ng isa't isa sa tuwing magkasama. At yung pakiramdam na isang umagang magigising dahil sa halik ng iyong minamahal. Syet! Ang mushy ko!

Hindi naman talaga mawawala yung ma-dead sa envy sa mga bagay na wala ka. Pero hanggang dun lang talaga yun, may kani-kaniyang panahon din yan, ika nga; weder-weder lang. Marami din namang benefits ang maging single at uncommitted. Hindi lang napapansin ng marami at nao-overlook lang.

Pros:

  • Nakakatipid at nakakakain sa mga gustong lugar na kakainan.
  • Mas naiintindihan ang pinapanood na pelikula dahil walang nang-iistorbo at magtatanong "Anong nangyari?", "Ano daw?", atbp. Saka mas focus na sa panonood dahil wala ng ka-smooching sa loob ng moviehouse.
  • Para sa lalaki, hindi na kailangang maghintay ng pagkatagal-tagal sa labas ng CR
    ng babae.
  • Para sa babae, hindi na kailangang mag-alala kung hahawakan mo ang kamay ng BF kung sakaling nag-CR dahil di alam kung naghugas ba siya ng kamay.
  • Hindi na kailangang hanapin ang KKK (Kataas-taasan Kadilim-diliman Kasuluk-sulukan) part ng mga sinehan.
  • Pwede ng mangulangot kung kailan man nanaisin.
  • Wala ng magagalit kapag nale-late, boss na lang ang magagalit at magdededuct ng sweldo.
  • Walang aalalahaning birthday, anniversaries, monthsaries, at birthday ng aso na makakalimutan, pwera lang sa kabarkada dahil inuman na naman o kaya may manlilibre.
  • Wala ng magtatrack kung saan man magpunta, maliban lang sa mga pulis kapag kasama sa most wanted list nila.
  • Para sa lalaki, wala ng bubuhating mga mabibigat na shopping bags at groceries ng GF.
  • Para sa babae, hindi na mag-aalala kung nabibigatan si BF sa mga pinamili.
  • Wala masyadong gastos, kung meron man para sa sarili lahat mapupunta, maliban sa araw ng Pasko o kaya gagawing ninang/ninong ng mga kaibigang nagkaanak na.
Cons:
  • Walang kapopoyan, belat!!!
Baka nagtataka kayo kung bakit isa lang ang cons sa pagiging single, aba kaming mga single ang bida sa post na ito, kaya nararapat lang na mas marami kaming pros. Kung ang mga may karelasyon, ka-ibigan, kabit at magjuwawhoopers ay nagdidiwang ng kanilang pagmamahalan, marami din kaming mga single and unloved na dapat ipagdiwang. Ang sarap din yatang maging single. Bigo man akong makahanap ng mangre-rape sa akin noong valentines day, masaya pa rin ako. Hindi ko minamadali ang mga bagay-bagay, kasi ang lutuin kapag minadali hindi sumasarap (salamat jang-geum). Darating din ang panahon na iyon, saka open pa naman ang application ng babaeng mangre-rape sa akin.

Friday, February 09, 2007

When that Someone Doesn't Appear

Humuhuni na ang tunog ng pag-ibig sa ere. At sa bawat araw, unti-unting lumalakas ang huning ito. Malamang sa iba tila isang awitin ito na may malamyos na tinig, ngunit sa aking pandinig unti-unti itong lumalakas at sinisigaw "BELAT! BELAT! WALA KA PANG LOVELIFE! WALA KA PANG KA-DATE!"

Iyan ang mga salitang naririnig ko kapag malapit na ang valentines. Nakakainis hindi ba? Ikaw ba naman ganyan ang marinig mo instead na magpasway-sway ka sa saliw ng mga lovesongs. Ang mga mata ko naman pumuputok na at lumuluha na ng dugo sa tuwing makakakita ng mga magjuwawhoopers na magkaholding with matching pa-sway-sway na halos tumitilapon na ang mga braso sa ere habang naglalakad sa mga malls at parks.

Hindi madali ang maging single na katulad ko. Isang single na unico hijo na at extremely delicious virgin pa. Napakalungkot para sa akin lalo't nalalapit na ang Valentines. Ilang Valentines na ang lumilipas na wala man lang ako nakakatabi at nayayakap man lang sa gabi na sana'y nag-uumapaw ng romansa at pag-ibig. Kaya habang hindi pa dumarating ang araw ng mga puso, nararapat lamang na ako'y maghanap na!

Wanted: Female Rapist
Single, 19-25 years of age
Genuine female (with ovaries at hindi transplanted)
5'6" minimum height requirement
Vital statistics of 37-24-34 (sana nga 38-18-34, may bituka pa kaya yun?)
Brunette, wavy or straight, short to mid length of hair yung parang model ng mga commercial ng shampoo ang hair products na may paflip-flip pa na parang hindi nagugulo(huwag naman yung mala-rapunzel ang buhok o kaya mala "It" dun sa addam's family, payag pa ako kung mala-Sadako... wala din sanang balakubak, meron kasi ginagawa ng ashtray ang ulo sa dami ng dandruff)
Fair and flawless complexion (ayoko yung mga gumagamit ng pagkakapal-kapal na chin-chun-su at yung mga akala mo umiinom ng suka dahil sa kaputian gawa ng sandamakmak na skin peelers sa mukha tapos pagdating sa leeg iba na ang kulay)
Colored Eyes (brown, blue, green, yellow, orange, violet, malufet kung multi-colored basta natural hindi yung contact lens)
Syempre dapat yung maganda, hindi yung mukhang hipon o sugpo!

College graduate and literate.
She must be a proficient sex machine.
With above average knowledge with KamaSutra.
Can wear leather suits.
Willingness to work overtime and to have sex marathon.
Must be seductive and be aggressive when doing her act.
A professional rapist!


Dapat may makita na akong makakadevirginize sa akin nang sa gayon ako'y mapagbigyan ang aking pananabik. Willing na akong magparape basta sumusunod dyan sa mga qualifications ko, hinding hindi ako papalag at lalaban. Kung meron mang nilalang na mayroong ganyang qualifications, hanapin niyo lang ako, magpaparape na ako.

Asan ka na rapist ko? Labas na at halayin mo na ako!!!

Saturday, February 03, 2007

Love Leaps on Lips

Valentines is in the air na talaga, ang lamig na kasi ng panahon. Ano naman kaugnayan ng lamig ng weather sa Valentine's day di ba dapat sa Pasko yun? Mali, kasi kapag malamig ang panahon, mas masarap makipag-sex.

Oo tama yun, malamig ang panahon at talaga namang ang sarap makipagsex sa iyong minamahal o di kaya sa babaeng inupahan dyan sa barbekyuhan sa kanto. Iba't ibang klaseng gimik na naman ng mga motels yan, mga short-time rate sa kanilang mga iniipis at mga madidilaw na mantsa sa kanilang mga bed sheets. Since patok, ang mga motels, magkakalat na naman mga scandals niyan. Saang school or sino na naman kaya ang sisikat sa mga scandals ngayon?

Pero dahil malapit na ang araw ng mga puso, ibig sabihin Lovapalooza na naman. Sa February 10, sa SM Mall of Asia gaganapin. Naku, malapit na, paano kaya ito? Wala pa rin akong kalaplapan at kalumatakan ng labi. Kahit nga mga lips ko virgin pa rin sa mga ganyan, hindi ko nga alam kung marunong ako ng french kiss, siguro gagayahin ko na lang ang aso namin. Didilaan ko na lang ang mukha ng papalarin na mamahalin ko, kung sinuman or anuman siya. Kailangan ko ng magmadali para may makasama naman ako sa Lovapalooza, kahit sa mismong araw lang na iyon... sayang ang lamig ng panahon. O sige, para medyo madagdagan ng ilang araw ang deadline ko kahit man lang hanggang valentines magkaroon naman na sana ako ng makakadevirginized sa akin. Masyado na yata akong desperadong magka-lovelife. Naku, ilang araw na lang kaya yun!

Para sa mga kapwa ko dyan na patay ang sexlife... este lovelife pero gustong sumama sa Lovapalooza kahit na walang kalaplapan hayaan niyong tulungan ko kayo. Papayag ba kayo na maglalaway lang kayo dyan sa kinauupuan niyo at inggit na inggit habang nagkakainan ng mga labi ang mga partners na aattend sa Lovapalooza? Syempre hindi. Tumayo kayo diyan at tumakbo na sa MoA sa araw na iyan kahit na wala kayong kahalikan sa event na iyan. May paraan pa naman para ma-enjoy ang Lovapalooza.

  • Manghatak na lang sa labas ng kahit sino (kahit pa yung tindera/tindero ng yosi sa labas ng mall) at halikan sa mismong oras ng laplapan.
  • Maki-join sa mga partners na naghahalikan.
  • Ikulong sa CR ang isang attendee at pumunta sa kanyang partner at sabihing ikaw ang proxy in behalf of his/her beloved.
  • Dalhin ang iyong lovedoll at halikan mo sa mismong event.
  • Umaktong natalisod pero ang labi mo dadampi sa lips ng natipuhan.
  • Tutukan mo ng sandata - baril or kutsilyo yan - at sabihing halikan ka niya.
  • Umarteng magpapakamatay dahil nga walang makakahalikan
  • Magngangawa at tiyaking may makakarinig baka may maawa at bigyan ka nila ng makakalamutakan ng labi.
Ilang araw pa naman ang dadaan, baka within those days makahanap na ako ng malalapa kong labi yung talagang torrid at halos dudugo na ang nguso niya sa paghahalikan namin. Handa ko na iparamdam ang aking halik na parang Durian, Tastes like heaven but smells like hell. Hindi ko pa kasi talaga alam ng feeling ng isang halik, ayon kasi sa panaginip ko, Kiss is like a chocolate that melts on your lips. Ganun nga kaya yun? Aalamin ko sa Lovapalooza, kung magkakaroon man.

Monday, January 29, 2007

A Phony Affair (The Pre-Valentine Season Post)

Hindi ko inaakala na may nagmamahal na pala sa akin ngayon. Lagi na niya akong kinukulit dito sa opisina at binubulabog ang aking karimlan. Secret admirer ko yata, kaso hindi ko pa alam ang hitsura niya, sana nga lima ang mata, tatlong bibig, labing-apat na ilong, sampung tenga, maliit ang beywang na wala na yatang bituka - 1 cm lang ang waistline - at may malaking boobs na walang cleavage. Naa-arouse kasi ako sa mga ganung babae.

Ahente siya ng call center, at lagi niya akong kinukulit tungkol sa application ng credit card, na hindi naman ako interesado. Kakaiba itong ahenteng ito, pagkalandi-landi ba naman tapos ang pagsasalita nakakainis matinis ang boses, tagalog na nga patwang-twang pa, gusto kong ipasok ang kamay ko sa mouthpiece at hugutin ang kanyang dila sa kabilang linya at ipulupot sa leeg niya. Friday noong nakausap ko siya, sabi niya nasa harap niya ang application form at kinoconfirm niya lang ang details, heto naman ako game sa pagsagot. Hanggang sa tinanong niya yung sa marital status. "You're single?" tanong ng ahente, "Yes." sagot ko, tapos "How come?" ang reply niya. Ako'y natulala at parang natutunaw ang mga sementong pader nitong opisina sa kanyang katanungan. Tapos, sabi niya pinapatawa lang niya ako kasi masyado raw seryoso ang usapan. Maya-maya tinanong niya ang workplace, siyempre sinagot ko Makati, same din daw ang place niya, tapos sabi niya "Can you fetch me tonight?" Nagulantang na naman ako sa katanungan niyang iyun, "It's Friday today, maybe we can hangout later." tapos may mga banat pang "Do you want me to go to your office?" the hell talaga itong babaeng ito, hindi ko malaman kung ahente ba talaga siya ng credit card o pokpok na ginagawang dildo ang telepono!

Nung hapon ding iyun, tumawag siya ulit, nakausap niya ang boss kong babae. Marunong makipaglaro din ang boss kong iyun, hala sige chika sila. Tapos nung nagkwento na ang boss ko nalaman ko ang pagka-intrigera nitong ahenteng ito. Paano ba naman nakausap niya yung isa kong officemate na lalaki, pabulong niya kasing sinagot, nung ikinuwento na nitong pokpok... este ahente sa boss ko sabi ba naman "Sino po ba yung nakasagot kanina? Bakit po pabulong siyang sumagot? Parang may inililihim siya. Parang MANYAK!" jaskeng ahente ito, ginawang issue pa yung pagsagot ng pabulong. Tapos hinanap din yung isa kong boss - husband ng boss na babae - sinabi na lang ng boss kong babae na kunwari magkasama kami sa meeting, tapos ang sabi ba naman nitong agent "Naku, kapag 3 hours wala pa rin sila, iba na yata yun. Kasi di ba may short-time rate sa mga motel." Hala!? Gawan pa ng issue ang pagkawala sa opisina. Kamag-anak yata ito ni crater-faced Cristy Fermin!?

Tapos ngayong umaga tumawag ulit siya, ipinipilit niya sa aking ipadala yung requirements through fax. Tapos kung anu-ano na naman pinagsasabi niya, kesyo ang cute daw ng tawa ko, kung kailan daw kami magde-date. Anu ba yun? Ahente ba talaga siya? Ayaw niya pang ibaba yung phone kahit sinasabi ko na ang mga projects ko ay kasing taas na ng Petronas Tower sa dami. Kasi sabi niya kailangan ko daw i-send yung requirements before lunch at kailangan ko raw sabihin ang word na "Promise" para ibaba na niya ang phone. Para tuloy akong highschool dito na kinikilig at humahagikgik sa kakatawa dito, nararamdaman ko na nga na kumakapal ang balahibo at nagkakaroon ng mga batik at unti-unti na akong nagiging hyena sa kakatawa dito. Kasi naman ako rin nagfi-flirt din mismo sa babaeng yun, nakakita tuloy siya ng motibo.

Ok lang naman kasing magflirt siya kapag hindi sa oras at lugar ng trabaho. Napaka-unprofessional kaya nun. Kahit phone sex nga payag ako basta wag lang naman sa opisina, kasi kung ikikiskis ko yung phone sa ano ko at may lumabas dun, nakakahiya naman sa susunod na gagamit. Although pwede ko namang sabihin "Ahh pinunasan ko yan ng clorox natapunan kasi kanina ng kaong." Reasonable naman di ba? Nagpapakapropesyonal lang naman ako.

Naku kapag tumawag ulit ang pokpok ng credit card, ano na kaya ang gagawin ko sa kanya, papatulan ko ba ang offer nila or papatayin ko na lang siya?

Wednesday, January 03, 2007

The Marriage of Dreams and Reality

Enero na naman, at heto nag-aabang na rin ang February. Ibig sabihing malapit na namang mag-valentines. Ilang valentines na ba akong single at walang nakakadate, isa, dalawa, tatlo... lintek, kailangan pa bang bilangin yun. Since naman paglagpas ko ng puberty ay wala naman akong nai-date kahit man lang isa. Wala man lang minalas na maseduce sa makamandag kong sex appeal. Hindi rin ikinaloob sa akin noong nagdaang Pasko ang aking kahilingan na isang babaeng columbian na lalabas mula sa balikbayan box at sumasayaw-sayaw wearing only a red ribbon and only that ribbon na may hawak pang iPod at PS3.

Pero hindi porke't malapit na ang valentines ay nagmamadali na ako na may maka-sex... este magkaroon ng girlfriend. Masaya yata ang maging single at walang commitment, ok na rin kahit virgin ako, wala naman akong magagawa dun di ba? Kahit deep within the bottom of my bottomless heart with a hole that passes through my belly button ay gusto ko pa ring makaranas ng tinatawag nilang pag-ibig. Wait na lang tayo hanggang dumating yun, huwag lang sana akong mamatay na virgin.

Habang tayo'y nakaupo pinapainit ang puwet at naghihintay na bumagsak mula sa langit ang aking magiging Ms. Right (at sana'y buhay pa siya sa pagbagsak niya) ikwento ko na lang ang aking dream wedding. Usong-uso na ngayon ang mga themed wedding, meron dyan yung mala-Star Wars o kaya Lord of the Rings, meron ding mala-Harry Potter at mala-That's Entertainment. Minsan nga pinalabas pa sa Jessica Soho Reports yung mga sirkerong ikinasal habang tumatawid sa alambre. Jaskeng mga Geekazoids na 'to. Syempre, magpapahuli ba naman si Billycoy.

Ang gusto kong motif ng aking wedding ay black and red. Tapos yung tema niya ay medyo dark ang dating. Gusto kong kasal yung may iaalay na babaeng birhen sa altar pagkatapos ibubuhos sa aming ikakasal yung dugo niya. Yung mga kanta ng choir ay yung "Shigi-shigi-Wah-Wakere-Umaa!!!" habang may sumasayaw ng Roger Rabbit at Running Man sa harap. Yung mga ilaw din dapat pula. Ang mga pagkaing iseserve naman dinuguan, inihaw na dugo, bloody mary para sa drinks at Haagen-Dazs Ice Cream para sa dessert. Medyo off ang ice cream pero bakit ba, kasal ko 'to walang pakialamanan, saka Haagen-Dazs din yun!

Kung may wedding, dapat may honeymoon din. Gusto kong honeymoon yung kakaiba talaga. Honeymoon habang nag-skydiving, yung nagdu-do kayo habang kayo'y nasa ere. Wow, kakaiba yun at parang ang sarap ng feeling, wag lang sanang makalimutang buksan ang parachute kapag dumating na sa climax. O kaya habang nagba-bunjee jumping, ilang seconds lang yun, pero di ba ayus din yun, habang nalalaglag naggaganun, exciting. Yun nga lang kailangan din ng maraming practice kapag ganun bago sa actual. Baka pag-naexcite din makalimutang ilagay yung tali, goodluck na lang kapag yun ang nangyari.

Mukhang magastos itong plano kong ito, dapat na sigurong mag-ipon ngayon pa lang. Dapat medyo bigtime rin ang mga sponsors ko, kailangang makahanap na para bawi-bawi sa gastos. Dapat sa mga ninong at ninang na ito yung hindi magbibigay sa amin ng punchbowl. Ano pa ba kulang? Ahh, yung alay ba? Madali lang yan, marami naman ng mga emo kids dyan. Ano pa ba kulang, meron pa ba? Ahh muntikan kong makaligtaan, syempre yung babaeng papakasalan ko.

Kahit dream pa lang yan dapat nakaplano na, ayokong maggahol sa oras. Kaya kung sinuman diyan ang nais tumulong at magsponsor, tumatanggap na po ako ng cash or bank transfer as of this moment pa lang. Kahit wala pa yung magiging bride nagpeprepare na kasi ako.

Monday, December 11, 2006

Letter of Love

Kung hindi niyo natatanong, at wala naman talagang nagtatanong, nag-attempt din akong mang-rape... este mangligaw. Yun nga lang medyo hindi ako pinalad kaya kahit isang girlfriend hindi pa ako nagkakaroon. Hindi naman ako bad ass na manliligaw, actually napakaromantic ko pa nga. Yung mga kaibigan, pinsan at kaklase ko noong highschool, nagpapatulong pang gumawa sa akin ng love letters. Oo, alam ko laos na yun, pero uso pa yun dati, gamit pa nga naming pangsulat mga gel pens at kung anu-anu pa.

Bagamat mga lalaki kami, marami din kaming alam na kalandian sa pagsulat ng love letters. Merong mga letters na nakasulat sa graphing paper, sa pinilas na notebook, sa label ng mga chocolates, sa tissue, sa tiket ng bus, sa butil ng bigas, tapos kanya-kanyang style din ng pagsulat, yung papahirapan pang magbasa yung mga babae/mambabasa, yung tipong kailangan pang iikot nila yung papel o kaya magsuot pa ng 3d glasses mabasa lang ang message. Baka nga ngayon meron ng sudoku style na love letter o kaya anagrams, paduguan na ng utak ngayon!

But anyway, heto yung love letter sa attempt kong panliligaw noong highschool:

Maging sino ka man,

Hi! Hello! Kamusta na? Ako hindi maayos ang pakiramdam ko. Ewan ko ba. Tuwing gabi, imbis na matulog na ako, hindi ko magawa. Merong bumabagabag sa aking damdamin at isipan. Tuwing naiisip ko yun laging bumibilis ang tibok ng puso ko, hindi ako mapakali at laging bumabalikwas sa aking kama. Hindi ko maintindihan kung bakit, pero ikaw lang naman ang iniisip ko kapag gabi. Sakit na yata ito. Nagkakasakit na ako dahil sa pag-ibig ko sa iyo.

Ano bang meron sa iyo? Tuwing nakikita kita, hindi ko maintindihan ang feeling ko. Ang mga mata mo ay parang mga bituin sa langit na dumampi sa iyong mukha na nagbibigay ng liwanag sa madidilim na parte ng aking buhay. Ang iyong mga ngiti ay tila sakit na nakakahawa ngunit nagpapagaan sa mga mabibigat kong araw. Mga labi mo'y mapupula na gusto kong laplapin, lamutakin at lantakin. Mga boobs mong naglalakihan at nagtatalbugan sa tuwinang ika'y naglalakad at mas nakakatuwa kapag ika'y tumatakbo ngunit mas napapasaya ako kapag ikaw ay napapayuko. Ang mga makikinis mong mga binti na tila masarap himasin.

My world is getting crazy when you are around. I can't help my blood to run faster whenever I see you. I think I'm falling for you and I want to pump you. Pag-ibig na yata ito.

Hoping for your kind consideration.

Thank you.


I'm yours,
Billycoy


Binigay ko sa kanya ito, tapos kinabukasan bumalik siya sa akin. Hinampas niya sa aking mukha ang manila paper na pinagsulatan ko nito at umalis na lang bigla. I was clueless. Hindi ko alam kung bakit siya nagalit sa akin. Pinaghirapan ko pa man din yung pagsulat kong iyon. Lalo't tiniyak kong pantay-pantay lahat ng letra doon kasi ayaw kong pumunta sa langit o sa impiyerno ang mga sulat ko dun sa manila paper. May mali ba sa love letter ko noon? Dapat siguro sa susunod ang gamitin ko ng pentel pen ay yung fine point at di na yung broad.

Thursday, September 21, 2006

Misteryo sa Kuwento ng Pag-ibig

Palagay ko alam ko na ang pakiramdam ng pag-ibig. Ngayon ko lang naranasan ang mga ganitong bagay sa buhay ko. Bumibilis na pintig ng aking puso. Sa tuwing kausap ko siya, parang hindi ako mapakali at tila nagbabago ang ugali ko. Ngunit naguguluhan, nahuhulog na ba ang loob ko? Totoo na kaya ito? Pag-ibig na kaya ito?

Nagsimula ang mga ganitong pakiramdam ilang araw pa lamang mula ngayon. Tatawagan ko sana ang kaibigan ko ng may ibang sumagot. Nagulat ako, kasi akala ko na-wrong number ako, kasi hindi pamilyar ang boses niya sa akin. Hindi yun mula sa tahanan ng kaibigan ko. Sino kaya ito? Ngunit habang pinakikinggan ko ang kanyang boses, tila bumagal ang oras ko. Ninanamnam ko ang bawat segundong naririnig ko ang kanyang malamyos at nakakabighaning tinig. Tila musika sa aking mga tainga ang kanyang tinig. Bumibilis na rin ang pintig ng aking puso. Maya't maya ibinaba niya rin ang kanyang telepono. Ano kaya ang naramdaman ko sa mga sandaling yun? Ilang oras ang lumipas, sinubukan ko ulit tawagan ang aking kaibigan, ngunit laking gulat ko yung nakausap kong babae ang nakasagot, sinigurado ko naman ang bawat pindot ko sa mga numero. Muli, bumagal ang aking oras at tila nawala sa mundong kinagagalawan. Maaari bang mangyari ito? Pag-ibig na kaya ito? Maaari ba akong umibig sa isang nilalang na kahit minsan ay hindi ko pa naaaninag? Maaari ba akong magmahal na sa boses at sa kauna-unahan ko lang nakilala?

Ilang araw ko ring naranasang ang mga ganitong bagay; tatawag sa kaibigan at iba ang makakasagot. Maigsing panahon lamang kaming nag-uusap, ngunit sa tuwing mag-uusap kami parang humahaba ito, parang may nabubuong kuneksyon sa aming dalawa sa mga sandaling yun. Naisip ko, baka nga soulmate ko siya. Posible nga kaya? Nag-iibigan na kaya kami sa iilang waglit ng panahon? Mga tanong na di ko kayang masagot.

Ngunit dumating ang araw na ito. Ang araw na aalamin ko na dapat ang kanyang pangalan at tanungin kung maaari ba kaming magkita. Ngunit sa kabiguan ko, wala na siya. Nung tatawagan ko ang kaibigan ko, hindi na ang babaeng aking iniibig ang sumagot. Ang kaibigan ko na ang sumagot ng telepono. Hinanap ko sa aking kaibigan ang babaeng laging sumasagot sa kanyang telepono. Sinabi ng kaibigan ko na wala naman siyang kasamang babae sa kanyang condo unit at alam ko naman daw na mag-isa siyang naninirahan doon. Oo nga, tama nga siya, wala ngang babaeng nakatira dun sa kanila. Dahil kahit nga ang mga girlfriend niya hindi niya dinadala doon at kahit sinuman sa kanyang mga kaibigang babae. At ganun din wala rin siyang kapatid na babae. Hindi ko malaman ang gagawin ko ng nalaman ko yun. Parang mahihibang na ako. Sino ba ang mistoryosang nilalang na ito? Minumulto na yata ako.

Napakasaklap ng ganitong pangyayari. Malalaman ko na rin sana ang sarap ng pag-ibig, ngunit isa akong bigo. Kahit man lamang pangalan niya ay hindi ko man lamang naitanong. Kung alam ko lamang na ganito, sa simula pa lang dapat ay tinanong ko na. Hindi ko man lang din nalaman ko ano ang hitsura ng aking iniibig. Wala na siya, wala na ang aking iniibig. Tanging natitira na lamang ang mga alaala ng mga munti naming pag-uusap at ang kanyang laging sinasabi sa akin:
Sorry, the phone line is busy now. Please try your call again later.

Wednesday, September 20, 2006

Someone To Love

Ang hirap naman ng buhay ko ngayon. Lagi na lang akong nagsosolo. Wala pa kasi akong juwawhooopers, kaya madalas lang akong gumimik mag-isa. Actually, di pa ako nakakaranas magmahal. Ano ba feeling? Parang heaven ba o parang nasa heaven ka na biglang mafa-flatan ang eroplano at babagsak sa lupa. O baka naman suicide ang pag-ibig. Wala pa akong alam kapag tungkol sa love, natututo lang naman ako sa experiences ng ibang nilalang dito sa lupa. Forsaken na yata akong hindi magmahal... Huwag naman! Gusto ko ring makipag-sex... este magmahal. Isipin mo na lang, kapag kakain sa labas, di ko naman pwedeng i-expect ang mga kakosa ko na samahan ako lagi, at least andyan ang girl in shining armor ko to the rescue. Lalo na kapag nalolongkot ako at walang makaosap. She's just a phone away.

Kailan pa ba kasi nauso na ang lalaki ang nanliligaw? Di ko tuloy malaman kung bakit, malamang dahil sa: a. torpe ako b. ubod lang talaga ako ng gwapo na makalaglag-panty-at-nakaka-wet-sa-unang-tingin-pa-lamang na sex appeal na nakaka-intimidate lalo sa mga kababaihan (tinatype ko ito habang nililipad ng hangin ang building namin). Kasi I'm sure na di ako saksakan ng kapangitan na itinakwil ng langit at impiyerno at pati na sa ibang parte ng kalawakan. Hindi ko pa rin alam kung torpe nga ako kasi hindi naman ako aware na lalaki pala ang nanliligaw sa mga girls. Kung alam ko lang dapat matagal ko ng ginawa. I-a-advertise ko na lang ang ganitong kalagayan ko, since nandito na rin ako sa field na ito.

I'll leave the thinking to you

Monday, September 18, 2006

The Hunt Begins

Napakadesperado ko na talaga. Ayoko ng maging habang buhay na singol kaya gumawa na ako ng desperadong paraan. I have two options na pwede niyong pagbotohan. Ang una ay ang application/selection process. Sasalain ng husto ang mga applicants, dadaan sa mga interviews at kung anu-anu pang pagsubok. May trial and testing period din. Ang sumunod kong option ay ang raffle draw. Mas mabilis kumpara sa nauna, at may mga naghihintay na papremyo sa mga sasali. Kailangan ng gawin ito dahil ayoko ng maging singol forever.


Option A
(Himasin... este i-klik ang larawan para lumaki)

Option B
(Click the picture to erect... I mean to enlarge - sound the same)


Vote now and you may win exciting prizes.

Monday, August 28, 2006

Fresh and Virgin Lips

Ilang panahon na nga ba akong single. Di lang pala ilang panahon, since birth nga pala ay single na ako. Ewan ko ba sa sarili ko. Hindi naman ako pangit na nilalang para iwasan at matakot manligaw. Hindi naman ako halimaw na nangagain ng tao, nanglalapa siguro pwede pa, Roar! Torpe lang siguro talaga ako, o talagang ayaw ko pang magcommit, ayun sa beloved Tickle survey ko. Mahina pa ang loob ko sa pag-ibig, kaya heto hanggang ngayon ay very virgin at very available pa ako. Ok lang siguro kung wala pa akong sex life hanggang ngayon, pero pati first kiss wala pa ako. Hay, kaawa-awang nilalang naman ako. I don't think I'm a bad kisser, kasi ang kiss ko ay mala-Durian, Tastes like heaven but smells like hell. Pero di ko rin alam, kasi baka mala-lychee din ang lips ko, sweet and chunky, ingat lang baka manggigil at kagatin, mawalan pa ako ng kissable lips. Kaso hindi ko naman malalaman yun, kasi nga wala pa akong experience sa kiss. Ang alam ko lang halik ay ang beso-beso, saka ang paghalik sa noo.

Side effect yata ng wala pang lovelife at sexlife ang pagiging sabik sa sex. Lahat na yata kasi ng lumalabas sa bibig ko ay regarding sa sex na. Pero di naman explicit, figurative pa. Lagi pang si Mary Palmer ang kasama ko, siya lang ang katuwang ko kapag mag-isa ako. Nakakasawa na rin siyang kasama. Hayan na, nilalabasan na ako ng mahahalay na salita. Sobra na yata ang pananabik ko sa sex, human nature na kasi yan, lalo sa aming mga kalalakihan, hirap kaming magtiis. Buti na lang andyan si Mary Palmer to the rescue. Sacred pa rin naman ang sex sa akin, yung thought about it, just makes me curious and excited.

Hindi naman sex ang pinakagusto kong ma-achieve. Happy pa akong magtiis at i-retain na muna siya sa isip. Masaya na ako kung madampian lang ng halik ang mga lips ko ng aking unang mamahalin. Baka magsilundag at tumambling pa ako sa tuwa kapag dumating ang time na iyun. O kaya pasarado ko pa ang kalsada at magpainom ako sa amin. O di kaya, magpatawag pa ako ng banda at ipa-announce ko pa sa Malacañang ang First-Kiss-Ni-Alan-Sa-Babaeng-Una-Niyang-Minahal Day.

Hindi naman ako nagmamadali, alam ko rin namang darating ang time na yan. Sa ngayon, focus muna ako sa career, saka masaya din naman maging single kahit papano, hindi nga lang kung since birth. Ayokong tumandang virgin, baka magaya pa ako sa 40-Year Old Virgin. O kaya malagay pa sa puntod ko:

The Man Who Died Virgin

Huwag namannn!

Thursday, August 24, 2006

Boyfriend Material Naman Ako



Isa sigurong dahilan ng pagiging single ko hanggang ngayon ay dahil marami pa akong di alam gawin. Marami naman na akong alam na gawaing bahay, pwede na nga akong mag-asawa eh. Marunong akong magluto ng Lucky Me noodles, may sabaw o kahit pancit canton, kaya ko na. Mahusay na rin akong magpakulo ng tubig, lalo na kung de-sipol yung kettle. Magaling din ako magprito ng itlog, lalo kapag ginawa ko na yung specialty kong crunchy omelette, yung may eggshells pa. Wala kasing gumagawa nun ako lang. Kaya ko rin namang labhan ang mga brip ko. Napag-aralan ko na rin ang mag-alaga ng bata, napagpraktisan ko na kasi ang talent kong ito sa My Baby-All-Gone na manika at lalo na sa paglalaro ko ng tamagotchi. Kaya ko rin namang ipagtanggol ang mga minamahal ko, kayang-kaya ko ang mga ginagawa nila Shaider at ng mga Bioman. Sa kanila ko natutunan ang martial arts. Pero siguro nga marami pa kong di alam. Kaya nga heto pinapanood ko kung paano magtupi ng damit. Pinag-aaralan ko na ring mamalantsa. Lahat kaya kong gawin para lang sa aking iniirog.